Natunton ng 77th Infantry Batallion ang mga matataas na kalibre ng baril at iba pang war materials na pagmamay-ari ng New Peoples Army (NPA) sa bayan ng Sta Teresita, Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni CAPT Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army, partikular na nadiskubre ang arms cache o taguan ng armas sa Sitio Aboli, Brgy Aridawen sa tulong ng dalawang former rebels.
Kabilang sa mga nakuha ang anim na matataas na kalibre ng baril, isang low powered firearms, mga bala at mga supersibong dokumento.
Samantala, pitong matataas na kalibre ng baril ang ipinasakamay sa 95th Infantry Battalion, 502nd Infantry Brigade ng tatlong magkakapatid na dating miyembro ng NPA sa lalawigan ng Isabela.
Sinabi ni Pamittan na kabilang sa mga isinuko nina alyas Sartay, Joey at Deo ay apat na M16 rifles; dalawang M203 grenade launcher; isang AK47 rifle, at mga bala na ibinaon sa lupa sa san Mariano, Isabela.
Nabatid na ang tatlo ay anak ng napaslang na Squad Leader ng Section Guerilla Unit sa nangyaring engkwentro sa Brgy. Tappa, San Mariano, Isabela noong Oktubre, 2021 kung saan pumalit bilang leader si alyas Sartay.
Subalit, dahil sa kawalan ng suporta sa kanilang yunit ay sumuko sa pamahalaan ang magkakapatid nito lamang buwan ng Pebrero ngayong taon.
Sa ngayon ay inaasikaso na ang karagdagang tulong pinansyal na maaaring matanggap ng tatlong magkakapatid para sa isinukong mga armas o firearms remunerations na posibleng umabot ng mahigit kalahating milyong piso.
Bukod dito, may narekober din na arms cache at food cache ang militar sa Brgy Balantoy, Balbalan, Kalinga.
Ito ay kinabibilangan ng dalawang AK47, ammunition, dalawang pampasabo na may markings na Nitro EM 1500, isang detonating cord, bandolier at isang gallon na naglalaman ng bigas at ibat-ibang gamot.
Ayon kay Pamittan, ang pagkakadiskubre ng mga arms cache ay resulta ng patuloy na custodial debriefing sa mga former rebels.