
Ipinagpaliban ng Sandiganbayan Third Division ang arraigment o pagbabasa ng sakdal kay dating senator Ramon Bong Revilla Jr. at anim na iba pang akusado sa kasong malversation na inihain laban sa kanila may kaugnayan sa umano’y P92.8 million na ghost project sa Pandi, Bulacan.
Ipinaliwanag ni Sandiganbayan Third Division chairperson and Associate Justice Karl Miranda na kailangan ang pagpapaliban dahil ang mga respondent sa kaso ay may nakabibin na mga mosyon na kumukuwestion sa merito ng kasong malversation na inihain laban sa kanila.
Muling itinakda ang arraigment sa February 9, 2026 sa oras na 8:30 ng umaga.
Sa arraigment, ipapasok ng mga akusado ang kanilang plea sa kaso laban sa kanila.
Iniutos din ni Miranda sa counsels ng mga akusado na maghain ng lahat ng kanilang mosyon sa January 26.
Inatasan din ni Miranda ang mga prosecutor na maghain ng kanilang komento sa mga nasabing mosyon ng depensa sa January 28.
Idinagdag pa ni Miranda na bibisitahin ng justices ng Sandiganbayan ang Quezon City Jail Male at Female Dormitory sa Barangay Payatas ngayong araw, upang tignan ang kundisyon ng mga detainees doon, kabilang ang mga akusado sa mga maanomalyang flood control projects.
Dumating si Revilla at mga kapwa niya akusado sa Sandiganbayan kaninang umaga.
Kasama ni Revilla na nakasuot ng dilaw na shirt, na suot ng persons deprived of liberty, ang kanyang pamilya kabilang ang kanyang asawa na si Lani, at kanilang mga anak na sina Brian at Jolo.










