
Magkakaroon ng buwanang pag-uusap ang mga kasaping bansa ng ASEAN kaugnay sa Code of Conduct (COC) sa South China Sea, bilang bahagi ng pagsisikap na mapabilis ang negosasyon, ayon kay Department of Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro nitong Huwebes.
Sinabi ni Lazaro na isasagawa ang mga pagpupulong nang personal bilang estratehiya, at ito ay panukalang inihain ng Pilipinas bilang kasalukuyang ASEAN chair na tinanggap ng iba pang miyembro ng rehiyon.
Bagama’t wala pang tiyak na petsa kung kailan magsisimula ang mga bagong round ng talakayan, sinabi ni Lazaro na patuloy ang pakikipag-usap sa China kaugnay ng naturang iskedyul at wala naman siyang nakikitang malaking balakid dito.
Inamin din niya na sa nagdaang ASEAN Foreign Ministers’ Retreat ay wala pang napagkasunduan hinggil sa mga tinatawag na “contentious issues,” kabilang ang pagiging legally binding ng COC, ugnayan nito sa 2002 Declaration of Conduct, at ang depinisyon ng mga termino gaya ng “self-restraint,” na isa sa mga isyung tinututukan ng Pilipinas.
Ayon sa DFA, layunin ng Pilipinas na gampanan ang papel bilang consensus builder upang mapaglapit ang posisyon ng mga bansa at tuluyang matapos ang COC negotiations sa ilalim ng Philippine chairmanship.
Ang COC ay inaasahang magiging mas matibay na kasunduan upang pamahalaan ang tensyon sa South China Sea, na matagal nang pinagtatalunan ng iba’t ibang claimant countries.










