Tatalakayin ng mga foreign minister ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang pagtugon sa transboundary haze o pagkalat ng makapal na usok at polusyon sa mga karatig-bansa sa kanilang paghahanda para sa summit sa Nobyembre.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, kabilang sa agenda ng mga pulong sa Nobyembre ang usapin ng haze na dulot ng mga sunog sa kagubatan at lupa sa Indonesia.

Matinding usok mula sa mga sunog sa mga isla ng Sumatra at Borneo ang kumalat sa Singapore at Malaysia nitong mga nakaraang linggo. Umabot sa hindi ligtas na antas ang polusyon sa ilang lugar sa Malaysia, dahilan upang pansamantalang isara ang mga paaralan sa ilang estado.

Ayon sa Malaysian Foreign Minister Mohamad Hasan, nais niyang talakayin sa ASEAN ang kakulangan ng mga umiiral na mekanismo ng samahan para tugunan ang haze. Nag-alok na rin ang Malaysia ng tulong sa Indonesia upang maapula ang mga sunog.

Gayunman, nahahadlangan ang mga operasyon sa pag-apula ng apoy dahil sa mahinang visibility, hirap sa pag-access sa mga apektadong lugar at hindi angkop na kondisyon para sa cloud seeding.

-- ADVERTISEMENT --