Inatasan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang National Food Authority (NFA) na simulan na ang paglipat ng mga stock ng bigas patungong Visayas bilang paghahanda sa pagpapatupad ng programang P20 kada kilong bigas, kasunod ng pag-apruba ng Commission on Elections (Comelec) na isakatuparan ito kahit may election ban.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), ang ililipat na bigas ay magmumula sa buffer stocks ng NFA na umabot na sa limang taong pinakamataas na antas na 7.17 milyon na sako (50-kilogram) ng milled rice.

Umakyat pa ito sa 7.56 milyon na sako, na tinatayang sapat para sa sampung araw na konsumo ng buong bansa.

Bagama’t may 862,409 na sako na sa mga bodega ng NFA sa Iloilo, kailangan pa rin ng karagdagang suplay para sa mga lugar tulad ng Cebu, Negros Island, Samar, at Leyte, ayon kay NFA Administrator Larry Lacson.