TUGUEGARAO CITY-Bumaba ang bilang ng mga baboy na dumaan sa pagsusuri ng Bureau of Animal Industry na hinihinalang may kaso ng African Swine Fever (ASF) ngayong buwan.

Ayon kay Noel Ocampo Reyes ng Department Of Agriculture(DA), batay sa ipinadalang datus sa kanilang ahensiya , nasa 20 baboy na lamang ang dumaan sa pagsusuri kumpara sa 180 nitong nakaraang buwan.

Aniya, karamihan pa rin sa mga ito ay galing sa Pampanga at Bulacan na una nang naitala na apektado ng ASF.

Dahil dito, sinabi ni Reyes na mas pinahigpit ng kanilang ahensiya ang mga nakalatag na quarantine checkpoint sa bansa.

Maging aniya sa paliparan at pantalan ay mahigpit ang kanilang mga checkpoint para walang maipuslit na pork products mula sa ibang bansa lalo na ang mga bansa na apektado ng ASF.

-- ADVERTISEMENT --

Pinayuhan rin niya ang mga mamimili na dapat ay tignan ng mabuti ang mga binibiling karne ng baboy at siguraduhing ito ay dumaan sa National Meat Inspection Service(NMIS).

Siniguro rin ni reyes na hindi magkukulang ang supply ng karne ng baboy ngayong panahon ng peak season.

Samantala, hinimok ni Reyes ang publiko na agad ipagbigay alam sa mga kaukulang ahensiya kung nakitaan ng sakit o biglaang pagkamatay ang mga alagang baboy para matignan kung anong sakit ang dumapo sa mga ito.