Tiniyak ng Department of Agriculture Region 02 na kontrolado na ang dalawang magkatabing bayan sa Isabela na nakapagtala ng African Swine Fever.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Regional Director Narciso Edillo ng DA RO2 na agad nagpatupad ng 1-7-10 quarantine protocol kung saan isinagawa ang culling operation o pagkatay sa 108 na natitirang alagang baboy ng mga backyard hog raiser na sakop ng 1 kilometer radius mula sa tig-tatlong Barangay sa bayan ng Mallig at Quirino na apektado ng ASF.

Tiniyak ni Edillo na patuloy ang kanilang ipinatutupad na quarantine measures at surveillance sa mga lugar na naapektuhan ng ASF at dinagdagan na rin ang checkpoint sa entry at exit points sa rehiyon dos kayat walang dapat ipag-alala ang publiko sa posibleng pagkalat ng naturang virus.

Pina-igting din ng National Meat Inspection Service (NMIS) ang inspeksyon sa mga palengke laban sa mga nagbebenta ng mga frozen meats nang walang permit na hinihinalang nakahawa sa mga alagang baboy sa Isabela.

Aminado si Edillo na nakalulusot pa rin sa mga checkpoints ang ilang mga kontrabando na karaniwang ipinupuslit gamit ang mga pribadong sasakyan kung kaya isasagawa na ang random checkpoint.

-- ADVERTISEMENT --

Hinala pa niya na posibleng kinatay ang baboy na apektado ng ASF at ibinenta ang karne nito na dahilan upang mahawa ang mga baboy sa dalawang bayan.

Hinimok din ng opisyal ang mga lokal na pamahalaan na patawan ng parusa at huwag lamang kumpiskahin ang mga mahuhulihan ng mga double dead o ilegal na nagbebenta ng karne.

Hinimok din ni Edillio ang publiko na agarang ipagbigay alam kung may kakaibang pagkamatay ng mga baboy sa inyong lugar upang ito ay maagapan.