Kumpiyansa ang Department of Agriculture (DA) na maipalalabas ang bakuna laban sa African swine fever (ASF) sa third quarter ng taon, na may pinakabagong mga pagsusuri na naghihintay ng approval mula sa third-party experts.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., ang bakuna ay dumaan sa genome sequencing at dinala sa third-party experts para sa approval.
Nauna rito, nagpulong ang mga opisyal ng DA, Bureau of Animal Industry (BAI), at FDA noong May 19 upang pag-usapan ang updates hinggil sa ASF at avian influenza (AI) vaccine candidates, sa pagsisikap na protektahan ang ‘swine at poultry sectors.’
Nito lamang buwan ng Marso, sinabi ni Tiu Laurel na ang bansa ay mayroong 8 milyong baboy, kumpara sa halos 14 milyon bago pa ang ASF outbreak. Mula noon ay nanawagan na siya sa industry stakeholders na ibalik ang populasyon.
Samantala, nauna nang sinabi ni DA spokesperson at assistant secretary Arnel de Mesa na nakikita na departamento ang pagbangon ng local hog industry, iyon nga lamang ay aabot pa ito ng dalawa hanggang tatlong taon bago bumalik ang swine population ng bansa sa pre-ASF levels nito.