Nakarating ang ashfall sa ilang lugar sa Negros Occidental kasunod ng pagsabog ng Kanlaon volcano kaninang umaga, ayon sa Office of Civil Defense Region 6 (OCD 6).
Ayon kay OCD 6 director Raul Fernandez, ang apektadong barangay ay ang Barangay Sag-Ang sa La Castellana; Barangay Yubo at Ara-al sa La Carlota; maging sa Bago City.
Dahil dito, nagkaroon na ng evacuation sa mga apektadong mga lugar sa labas ng six-kilometer permanent danger zone, at maaaring magkaroon ng suspension ng mga pasok.
Sinabi ni Fernandez, kabuuang 8,000 ang inilikas mula sa kanilang mga tahanan buhat noong December 9, 2024 eruption ng Kanlaon Volcano.
Marami na ring lugar ang nagsuspindi ng klase ngayong araw dahil sa pagputok ng Kanlaon.
Sinabi naman ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) chief Teresito Bacolcol, nakarating na rin ang ashfall sa Barangay Cubay sa La Carlota.
Ayon kay Bacolcol, mapanganib sa kung makakalanghap ng ashfall lalo na sa mga may problema sa baga.
Bukod dito, maaari ding magdulot ng iritasyon sa mata, ilong, at lalamunan ang abo mula sa bulkan.
Nagpahayag naman ng kahandaan si Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian sa pagpapadala ng family food packs at iba pang pangangailangan ng mga apektadong mga pamilya sa isa pang pag-alburuto ng bulkang Kanlaon.
Sinabi ni Gatchalian na inaasahan na ang muli na namang pagtaas ng bilang ng mga evacuees.
Sumabog ang bulkang Kanlaon sa Negros Island kaninang 5.51 a.m. ngayong araw, kung saan natapos ito ng 6:47 a.m.
Umiiral ang alert level 3 sa Kanloan volcano, na ang ibig sabihin ay may mataas na antas ng pag-alburuto ng bulkan.