Binigyang-diin ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police (PNP) na “fake” ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na target siya ng assassination threat.
Sinabi rin ni Assistant Majority Leader Jude Acidre, na walang basehan ang mga pahayag ni Duterte na may banta sa kanyang buhay.
Ayon kay Acidre, gawa-gawa lamang ang mga sinabi ni Duterte tulad ng mga gawa-gawang pangalan na ‘Mary Grace Piattos’ at ‘Kokoy Villamin,’ na ginamit para bigyang katuwiran ang alegasyon sa hindi tamang paggasta sa pondo ng confidential funds.
Ang tinutukoy ni Acidre ay ang mga pangalan na nakalista na recipients ng confidential funds mula sa Office of the Vice President at Department of Education.
Iginiit ni Acidre na ang banta ay unang narinig mula kay Duterte, matapos na sabihin niya na may nakausap siya na tao na papatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang asawa na si Liza at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kung siya ay papatayin.
Sa kabila nito, tiniyak ng PNP at AFP na babantayan nila ang seguridad ni Duterte.