Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) na pansamantalang sinibak ang Assistant Regional Director ng LTO Region II.

Ito ay matapos masangkot sa umano’y pananakit sa isang lalaki sa Tuguegarao City.

Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II sa na pansamantalang ni-relieve ang opisyal habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon kaugnay ng insidente.

Batay sa kumakalat na viral video sa social media, makikitang sinampal at tinadyakan ng umano’y opisyal ng LTO Region II, kasama ang isa pang lalaki, ang isang sibilyan.

Ayon sa LTO, ang nasabing hakbang ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng ahensiya para tugunan ang ginagawang hindi tama ng mga personnel at matiyak ang tiwala sa kanila ng publiko.

-- ADVERTISEMENT --

Idinagdag pa ng LTO na sineseryoso nila ang nasabing insidente at ipinag-utos ang imbestigasyon upang malaman ang buong pangyayari at magpataw ng nararapat na disciplinary actions.

Ang ARD ng LTO Region 2 ay si Manuel Baricaua habang ang kanyang kasama na nanakit ay si Chief Enforcer Charles Ursulum.