Dumating na sa Cagayan Valley ngayong araw ang 10,720 na doses ng AstraZeneca vaccines at karagdagang 10,640 doses ng Sinovac vaccines.
Agad idiniretso sa cold storage facility ng Department of Health- R02 ang mga bakuna na nakatakdang ideliver bukas (March 13) sa mga priority hospitals sa rehiyon para sa tuloy-tuloy na vaccination rollout sa mga healthcare workers.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Rio Magpantay, Regional Director ng Department of Health (DOH) Region 2, inaasahang agad na sisimulan ng mga ospital ang vaccination rollout gamit ang AstraZeneca sa kanilang mga senior health workers at sa mga umayaw sa Sinovac vaccines na unang dumating sa bansa.
Dagdag pa ni Magpantay na ang kalahati ng doses ng AstraZeneca vaccines ay ilalagay sa cold storage rooms ng bawat ospital para sa second shots ng vaccination.
Habang ang karagdagang doses ng Sinovac vaccines ay para sa ikalawang dose na matatanggap ng mga health workers makalipas ang 28 araw mula sa 59 hospitals sa rehiyon na unang nabakunahan.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Magpantay na umabot na sa mahigit 8,000 healthcare workers ang nabakunahan gamit ang Sinovac vaccine sa rehiyon.
Patuloy naman ang rollout ng mga bakuna ng Sinovac sa mga ospital sa rehiyon habang idedeliver na rin ang unang dose ng mga bakuna sa island municipality ng Calayan sa Cagayan; Dinapigue, Palanan, at Divilacan sa Isabela.