tuguegarao city mayor Jefferson Soriano

TUGUEGARAO CITY-Isinailalim sa zoning containment strategy ang Atal Street sa Barangay Cataggaman Viejo, Tuguegarao City matapos magpositibo sa covid-19 ang tatlong miembro ng isang pamilya sa lugar na wala namang travel history sa mga lugar na may mataas na bilang ng virus.

Ayon kay Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano, inaalam na kung paano nahawaan ang tatlong pasyente na isang 58-anyos, 32-anyos na kapwa lalaki at 35-anyos na babae.

Aniya, kung mapapatunayan na walang paglalakbay ang mga pasyente ay ito ang kauna-unahang community transmission sa lungsod.

Kaugnay nito, walang papayagang lalabas at papasok sa lugar sa loob ng 14 na araw habang ginagawa ang contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng mga pasyente.

Inaalam na rin ng mga contact tracers kung may mga bisita ang mga pasyente nitong nakalipas na pagdiriwang na kapistahan ng lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, naka-lockdown din ang tanggapan ng Tuguegarao City Police station dahil isa sa mga miembro nito ay nakasalamuha ang isa sa mga nagpositibo sa virus kung saan nasa 21 na pulis, empleyado at mga inmates ang posible nitong nakasalamuha.

Bagamat pansamantalang isinara, tuloy-tuloy pa rin ang operasyon ng investigation section sa pamamagitan ng kanilang Community Police Assistance Center.

Maging ang Office Of the mayor ng lungsod ay pansamantalang isinara para sa dis-infection dahil bumisita roon ang hepe ng PNP-Tuguegarao.

Tanging ang alkalde maging ang kanyang secretary at utility ang papayagan lamang na papasok sa kanyang opisina pagnatapos na ang dis-infection.

Umaasa naman si Mayor Soriano na papayag ang isa sa mga nagpositibo sa virus na dating isang pulis na isapubliko ang kanyang pagkakakilanlan para mas mapadali ang contact tracing.