
Arestado ang nakatatandang kapatid ni actress-host Kim Chiu sa Mandaluyong City dahil sa 124 counts ng qualified theft.
Kinilala ng Quezon City Police District ang suspek bilang si Lakambini “Lakam” Chiu, na kabilang sa most wanted persons ng Kamuning Police Station.
Naaresto si Lakambini ng mga operatiba dakong alas-4:06 ng hapon noong Setyembre 20 sa isang parking area sa Saint Francis Street, Barangay Wack-Wack, Mandaluyong City.
Isinagawa ang operasyon matapos maglabas ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court Branch 24, na nagtakda ng P5.838 milyon na piyansa.
Sa ngayon, nakakulong si Lakambini sa Kamuning Police Station para sa booking procedures at kaukulang legal na proseso.
Noong Disyembre 2025, nagsampa si Kim ng qualified theft complaint laban sa kanyang ate matapos umano niyang matuklasan ang mga seryosong financial discrepancy sa kanyang negosyo.
Sinabi noon ni Kim na napakahirap para sa kanya ang pagsasampa ng kaso, ngunit kinailangan umano niyang gumawa ng legal na hakbang matapos matuklasang may malaking halaga na may kaugnayan sa kanyang business assets ang nawawala.




