Nag-alok ng scholarship ang Ateneo de Davao University (AdDU) para sa anim na kapatid ni Rene Clert “Bobet” Baterbonia, bilang pagkilala sa kanyang mga pangarap at sakripisyo para sa pamilya.

Inanunsyo ni AdDU President Fr. Karel San Juan ang scholarship grant matapos ang banal na misa na ginanap noong Sabado ng gabi sa Christ the King Chapel ng Ateneo de Davao University Senior High School-Bangkal Campus.

Ayon kay San Juan, isa sa mga matagal nang pangarap ni Bobet ang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng edukasyon.

“Matutupad na ang isa sa mga pangarap ni Bobet,” ani San Juan, na sinalubong ng palakpakan mula sa mga dumalo sa misa.

Sinabi rin niya na ang hangaring ito ang nagtulak kay Bobet na magpunta sa Maynila upang subukan ang kanyang kapalaran sa larangan ng sports.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kanyang homiliya, sinabi ni Fr. Eric Anthony Escandor na ang pagmamahal ni Bobet sa kanyang pamilya ang nagsilbing inspirasyon sa kanyang pagsisikap sa buhay.

Bagama’t hindi umano akademiko ang pinakamalakas na aspeto ni Bobet, naging kapansin-pansin ang kanyang husay at dedikasyon sa basketball.

“Kapag nasa loob siya ng basketball court, nagbabago siya. Doon lubos na naipapakita ni Bobet ang kanyang talento at determinasyon,” ani Escandor.

Hinimok din niya ang mga dumalo na hindi lamang pagluksa ang alalahanin kundi pasalamatan din ang naging buhay ni Bobet at ang inspirasyong iniwan nito sa maraming tao.

Sa kabila ng pag-ulan nitong Sabado, patuloy na dumagsa ang mga nakikiramay sa Bangkal campus upang magbigay-pugay kay Baterbonia at makiisa sa kanyang pamilya sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.