
Inatasan ng Department of Justice (DOJ) panel of prosecutors sina negosyanteng Charlie “Atong” Ang at ang kanyang mga kasamahan sa kaso na magsumite ng kanilang counter-affidavits kaugnay ng pagkawala ng mga “sabungeros” o mga mahilig sa sabong.
Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Charlie Guhit, na siyang namumuno sa panel, nakatakdang isumite ang mga counter-affidavit sa Nobyembre 3.
Nauna itong itinakda sa Oktubre 13 ngunit naurong matapos hingin ng panel ang karagdagang ebidensiya mula sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Sa kasalukuyan, tanging si aktres Gretchen Barretto pa lamang ang nakapagsumite ng counter-affidavit noong Setyembre 18.
May kabuuang 61 na respondent ang isinama sa reklamo na inihain ng pamilya ng mga biktima.
Kamakailan ay nagsumite ang PNP-CIDG ng mga USB flash drives na naglalaman ng ebidensiya laban sa mga respondent pati na rin ng mga sinumpaang salaysay ng ilang testigo.
Muli ring haharap ang grupo sa panel sa Oktubre 1 upang magbigay ng karagdagang ebidensiya.
Sinimulan ng panel noong Setyembre 18 ang preliminary investigation para sa mga kasong multiple murder at serious illegal detention laban sa mga akusado.