
Isinuko ng wanted businessman na si Charlie “Atong” Ang ang lima sa anim niyang baril matapos bawiin ng Philippine National Police (PNP) ang kanyang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at Firearms Registration, ayon sa kanyang abogado.
Sa liham na ipinadala sa PNP-Firearms and Explosives Office (PNP-FEO), sinabi ni Atty. Gabriel Villareal na noong Enero 15 lamang naisilbi sa tirahan ni Ang ang kautusan ng pagbawi ng kanyang firearms license.
Dagdag pa ng abogado, mapayapang isinuko ni Ang ang mga nasabing baril sa pamamagitan ng kanyang awtorisadong kinatawan sa Mandaluyong Police Station, na pinakamalapit na himpilan ng pulisya sa kanyang tirahan.
Samantala, isang baril na nakarehistro kay Ang — isang .260 rifle — ang naiulat na nawawala pa noong Oktubre, ilang buwan bago pa bawiin ang kanyang mga permit.
Kaugnay nito, nagsumite si Villareal ng Affidavit of Loss at police blotter report sa mga awtoridad.
Kinumpirma ni Acting PNP-FEO chief Police Brigadier General Jose Manalad ang pagtanggap sa mga isinukong baril at sinabing ibeberipika ng PNP ang ulat hinggil sa nawawalang armas.
Pansamantala umanong iingatan ang mga baril sa Mandaluyong City Police Station, maliban na lamang kung ilipat ang mga ito sa kustodiya ng PNP-FEO.
Beripikado rin ng mga awtoridad kung naisuko na ang mga baril na pagmamay-ari ng iba pang mga co-accused ni Ang.
Si Atong Ang ay nananatiling pinaghahanap at may nakabimbing warrant of arrest na inisyu ng korte sa Santa Rosa, Laguna kaugnay ng kasong kidnapping at serious illegal detention.










