Inakusahan ni businessman Charlie “Atong” Ang ang kanyang dalawang dating empleyado ng pangingikil ng P300 million mula sa kanya.

Sinabi ni Ang na binantaan siya at kanyang pamilya na idadawit sa missing sabungeros kung hindi siya magbibigay ng nasabing halaga.

Ang mga pahayag ni Ang ay nakasaad sa kanyang inihain na reklamo sa Mandaluyong Prosecutors Office.

Kabilang sa mga pangalan sa kanyang reklamo sina Julie Patidongan alyas “Totoy” at Alan Bantiles alyas “Brown.”

Si Patidongan ay ang dating farm manager ni Ang para sa Pitmasters group, na sangkot sa e-sabong.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit, noong 2022, isinangkot si Patidongan at limang iba sa pagkawala ng mga sabungero sa Manila Arena, na nagbunsod para magsagawa ng imbestigasyon ang Senado at paghahain ng reklamong kriminal laban kay Patidongan at iba pa.

Sinabi ni Ang na una siyang nagbigay ng legal at financial assistance, subalit naputol ito noong 2023, kasunod ng pagpiyansa para sa anim na akusado, at nalaman niya na may plano umano para dukutin at kikilan ng pera ang kanyang pamilya at susunod ay papatayin siya.

Ang mga nasabing impormasyon ay mula kay Rogelio Barican, ang kanyang security personnel, na kinausap umano nina Patidongan at Bantiles na magpatupad ng plano.

Kasabay nito, mariing pinabulaanan ni Ang ang lahat ng mga akusasyon laban sa kanya na tinawag niyang kasinungalingan at walang basehan.