
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na pormal nang sinampahan ng patung-patong na kaso ang negosyante at gaming tycoon na sj Charlie “Atong” Ang.
Kaugnay ito sa pagkawala ng mga sabungero ilang taon na ang nakalipas.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, inihain ang kaso noong Biyernes.
Sa ilalim aniya ng Revised Rules of Criminal Procedure, ang korte na sinampahan ng kaso ang mag-iisyu ng mga warrant of arrest.
Ito ay sakaling matukoy na may probable cause batay sa mga ebidensiyang isinumite at sa resolusyon ng panel of prosecutors.
Inihain ang mga kaso sa Regional Trial Courts ng Lipa City, Sta. Cruz, at San Pablo sa Laguna.
December 9 nang ianunsiyo ng Justice Department na pinakakasuhan na sa korte sina Ang at mahigit 20 pang indibidwal ng kidnapping with homicide at kidnapping with serious illegal detention.
Naghain naman ng motion for reconsideration ang kampo ni Ang pero hindi raw ito makakaapekto sa pagsasampa ng kaso ayon na rin sa DOJ.




