Hindi nagtatago sa Cambodia ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, taliwas sa naging pahayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla kasunod ng pagtiyak ng Cambodian ministry sa isang Facebook post.

Si Ang ay itinuturing na most wanted at pinaghahanap ng mga awtoridad ng Pilipinas kaugnay sa warrants of arrest sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention na may kaugnayan sa mga nawawalang sabungero.

Binanggit din ang isang ulat mula sa Immigration General Department ng Ministry of Interior of Cambodia na wala silang rekord ng pagpasok o paglabas ni Ang sa kanilang bansa.

Una nang sinabi ni Remulla na may natanggap na impormasyon ang mga awtoridad na maaring nasa Cambodia si Ang na tumakas sa pamamagitan ng back door at nagpadala na ng police team para hanapin si Ang.