TUGUEGARAO CITY-Bagsak ang ibinigay na grado ni Atty. Neri Colmenares, human rights lawyer kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang nagawa sa nakalipas na taon lalo na ang pagbigay ng solusyon laban sa Coronavirus Disease (Covid-19).
Ayon kay Atty. Colmenares, kulang sa karanasan ang pangulo sa paghawak ng mga problema sa bansa at tanging pananakot lamang ang kanyang ginagawa.
Aniya, matapos ang ilang buwan na community quarantine sa bansa ay hindi nagawan ng hakbang para malabanan ang virus sa halip ay lalo pang lumobo ang bilang ng mga tinatamaan ng covid.
Inihalimbawa ni Atty. Colmenares ang Thailand na matapos ang ilang buwan na pag-iistrikto sa lugar ay wala nang naitatalang kaso ng covid-19 gayong kahalintulad lamang ng Pilipinas ang naturang bansa na developing country.
Sinabi pa ni Atty. Colmenares na sana ay sa ibang panahon na lamang naging pangulo ng bansa si Pangulong Duterte dahil hindi umano nito alam ang kanyang gagawin at wala umanong kakayahan na harapin ang krisis.