
Nanumpa na si Atty. Jan Franz Almario Chan bilang bagong kinatawan ng Ako Bicol Party List sa 20th Congress plenary session ng House of Representatives nitong Lunes, January 26, 2026.
Pinalitan ni Chan si dating Ako Bicol Party List Representative Zaldy Co, na nagbitiw noong Setyembre ng nakaraang taon kasunod ng mga alegasyon ng irregularidad sa mga flood control projects.
Nagmula sa Rapu-Rapu, Albay, nagtapos si Chan ng Juris Doctor sa Ateneo de Manila University at may Master of Laws mula sa University of California, Berkeley, kung saan kumuha rin siya ng Certificate of Specialization sa Energy and Clean Technology.
Nakatuon ang kanyang pag-aaral sa energy law, renewable energy, corporate finance, environmental justice, at international trade.
Sa kanyang panunumpa, sinabi ni Chan na tututok siya sa mga sektor ng enerhiya, kabataan, kalusugan, edukasyon, kabuhayan, at serbisyong panlipunan, na itinuturing niyang mahahalagang haligi para sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga Pilipino, lalo na ng mga Bicolano.
Sa pagtanggap ng tungkulin, nagpasya si Chan na panatilihin ang adbokasiya ng Ako Bicol sa paglilingkod sa rehiyon at pagpapalakas ng mga programang makikinabang sa mga lokal na komunidad.










