Tinawag ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na political harrassment at abuse of power ang detention niya ng 24-oras sa House of Batasang Pambansa Complex matapos ma-cite in contempt dahil sa pagsisinungaling.
Nanindigan din si Roque na isang “honest mistake” ang hindi niya pagdalo sa pagdinig noong August 16 at hindi ito pagpapakita ng walang respeto sa mga mambabatas.
Kahapon ay pinatawan ng contempt si Roque ng quad committee makaraang mabatid ng komite na nagsinungaling siya sa rason ng hindi niya pagdalo sa unang pagdinig sa Bacolor, Pampanga.
Sa liham ni Roque sa komite noong August 13, sinabi niya na hindi siya makakadalo sa pagdinig dahil may hearing siya sa Manila Regional Trial Court.
Pero sa sertipikasyon na nakuha ng komite mula sa clerk of court ng Manila RTC, lumabas na wala itong hearing sa nabanggit na araw.
Humingi ng paumanhin si Roque at sinabing honest mistake ang kanyang nagawa dahil nalito siya at inakalang Biyernes ang hearing sa RTC at ang pagkakaalam niya ay hindi nagsasagawa ng hearing Kamara sa Biyernes.
Kasama si Roque sa mga resource person sa imbestigasyon ng Kamara sa pagdami ng POGOs sa bansa, habang sinisikap ng mga mambabatas na matukoy ang kaugnayan nito sa sinalakay na POGO sa Porac, Pampanga.