Tuguegarao City- Nakahanda ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na magpadala ng augmentation force ng mga medical health workers sa National Capital Region (NCR).

Ito ay kasunod ng direktiba ng Department of Health (DoH) upang tumulong sa gitna ng patuloy na paglobo ng COVID-19 cases sa Metro Manila.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief, 20 mga medical frontliners ang hinihiling sa bawat rehiyon na may mga mababang kaso ng COVID-19.

Aniya, kung kakayanin ay hihigitan pa ng CVMC ang hinihiling na bilang upang matiyak na matulungan ang mga frontliners na nangangalaga sa mga pasyente sa metro manila.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Dr. Baggao na nakatakda silang magpadala ng hanggang sampung medical frontliners at hindi pa kasama rito ang ipapadala ng Santiago Isabela Medical Center at ng Trauma Medical Center.

Gayonman ay tiniyak din ni Dr. Baggao na hindi maaapektohan ang serbisyo ng CVMC kahit na patuloy ang pagpapauwi sa mga LSI’s at mga OFWs.

Samantala, pinag-aaralan na rin ngayon ng pamunuan ng CVMC na gawing rotation ang duty ng mga medical frontliners sa COVID-ward ng nasabing pagamutan.

Ito ayon sa kanya ay upang mapabilis ang pagseserbisyo at magkaroon ng sapat na pahinga ang limitadong bilang ng mga doctor at nurses na nakatalaga sa pasilidad.

Tiwala naman si Dr. Baggao na sa pamamagitan ng pagkakaisa ay kakayanin ng CVMC na pangasiwaan ang kondisyon at kaligtasan ng mga pasyente na nasa kanilang pangangalaga.