Nakatakdang magkaroon ng augmentation ang Kalinga PNP para sa karagdagang puwersa na tutulong sa pagbabantay ng kaayusan at kapayapaan ng election sa probinsya ng Kalinga.
Ayon kay PCOL Peter Tagtag Jr., Provincial Director ng Kalinga PNP, pinaiigting ng kanilang hanay ang paglalatag ng mga panuntunang ipatutupad upang maiwasan ang anumang uri ng election related incidents.
Inaasahan aniya ang karagdagang puwersa na magmumula sa Mobile Force Battalion at Special Action Force na makatutulong upang maisakatuparan ang layuning mabantayan ang buong probinsya.
Maalalang una nang nagsagawa ng command conference ng regional joint security control center kamakailan kung saan ay tinukoy ang anim na munisipalidad at isang syudad sa Kalinga na kabilang sa red zone o hot spot areas dahil sa mga insidenteng may kaugnayan sa election sa mga nakalipas na taon.
Gayonman, sinabi ni Tagtag na sa ngayon ay nananatili namang tahimik at mapayapa ang kanilang probinsya at walang naitatalang kaso ng political rivalry.
Kabilang din ngayon sa binabantayan nila ay kung may presensya ng mga private armed group na umaatake sa mga kandidato at naniningil ng revolutionary tax at permit to win.
Samantala, mayroon aniyang apat na kataong nahuli ang pulisya na lumabag sa umiiral na COMELEC gun ban at lahat sila ay nasampahan na ng kaukulang kaso.