Sinimulan na ng Commission on Elections (COMELEC) Region 2 ang pagbibigay ng mahahalagang impormasyon ukol Automated Counting Machines (ACMs) bilang paghahanda sa 2025 midterm elections.

Kasabay ng iba pang mga COMELEC Offices sa buong bansa ay magtutuloy-tuloy ang voter education campaign and ACM demonstration.

Ipinaliwanag naman ni Assistant Regional Director Jerbee Cortez ng COMELEC-RO2 ang tungkol sa mga impormasyon na dapat malaman sa kalakaran ng halalan gaya na lamang ng kung paano ang ginagawang proseso para sa local absentee voting.

Dagdag pa niya na may kabuuang 2,365,097 voters sa Cagayan Valley kung saan may mga 1,000 voter ang bawat cluster habang nasa mahigit isang libong position ang paglalabanan ng mga kandidato.

Ibinahagi rin nito ang ilan sa mga paalala sa mga botante sa panahon ng eleksyon gaya ng pagpapaalala sa pagiging maingat sa mga balota dahil isang balota sa isang tao lamang ang iiral.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon naman kay Regional Director Ederlino Tabilas, isa itong mahalagang pagkakataon para makapagbigay ng impormasyon sa mga mamamayan, lalo na sa kahalagahan ng pagsiguro na ang magiging resulta ng darating na eleksyon ay repleksyon ng boses ng mga mamamayan.

Isa sa pinaka-highlight ng nasabing kick off ay ang pagsubok sa paggamit ng naturang machine ng mga dumalo gaya ng mga miyembro ng BJMP, PNP, at mga nasa hanay ng media.