Nanindigan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi ginagamit sa pulitika ang mga programang Ayuda sa Kapos ang Kita (Akap) at Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Ito ang naging pahayag ni DSWD Crisis Intervention Unit (CIU) Director Edwin Morata sa ginanap na Saturday News Forum sa Quezon City, bilang tugon sa mga batikos na umano’y “weaponized” ang mga social welfare program sa gitna ng kampanya para sa 2025 midterm elections.
Binigyang-diin din niya ang umiiral na joint memorandum circular na pinirmahan ng DSWD, Department of Labor and Employment (DOLE), at National Economic and Development Authority (NEDA), na ngayo’y tinatawag nang Department of Economy, Planning, and Development.
Para naman sa AICS, sinabi ni Morata na mayroon itong “anti-epal policy” upang matiyak ang seguridad ng proseso at maiwasan ang pakikialam ng mga pulitiko sa distribusyon ng tulong.
Dagdag pa ni Morata, bukod sa cash aid, nagbibigay rin ang AICS ng tulong para sa medikal, libing, edukasyon, transportasyon, materyales, pagkain, at psychosocial support.
Kabilang sa mga bumatikos sa mga programa ng DSWD sa panahon ng halalan ay ang mga senatorial candidates mula sa Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na tinawag ang mga proyekto bilang “panandaliang dole-out” na umano’y inaabuso ng mga nasa kapangyarihan.