Isinusulong ni House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael Vargas na mabigyan ng ayuda ang mahihirap na balo o namatayan ng asawa.
Ayon kay Vargas, habang ipinagdiriwang sa bansa ang National Senior Citizens Week ay inihain niya ang House Bill (HB) 5395 na pinamagatang “Widowed Persons Assistance Act “bilang bahagi ng kaniyang commitment na pagmalasakitan ang mga balo.
Nilalayon ng panukala na mapagkalooban ng pansamantalang pinansiyal na tulong, psychosocial counselling, pangkabuhayang suporta at prayoridad na access sa social services para sa mahihirap na balong mga Pilipino na karamihan ay mga senior citizens na hirap umahon sa buhay matapos mamatayan ng mga asawa.
Sa record ng Philippine Statistics Authority (PSA), 4.5% ng kabuuang populasyon ay mga balo kung saan 76% dito ay mga kababaihan mula sa mahihirap na sektor.
Ang HB 5395 ay sumasaklaw sa lahat ng mga balo, anuman ang gulang.
Inaasahang magbibigay benepisyo ito lalo na sa mga nakatatanda na limitado na ang kapasidad na makahanap ng trabaho at mapagkakakitaan.