Nasabat ang mahigit P60 million na halaga ng hinihinalang shabu sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa isang babaeng Zambian na nagpakilalang estudyante umano sa Pilipinas.
Ayon sa Philippine National Police Aviation Security Group (PNP-AVSEGROUP), hinuli ang dayuhang suspect nang makita ang hinihinalang shabu sa false compartment ng kanyang bag.
Sinabi ni Police Brigadier General Christopher Abrahano, Director ng PNP-AVSEGROUP, sinadyang ginawa ang nasabing compartment para hindi makita.
Subalit sa isinagawang masusing pagsusuri at sa tulong ng mga K9, nakita na may laman ang nasabing compartment ng bag, at nang buksan ang kanyang bagahe ay nakita ang nasabing iligal na droga.
Ayon kay Abrahano, nagpakilala ang suspect na 33 anyos na Zambian, isa umanong estudyante sa bansa, ngunit isang beses pa lamang natatakan ang kanyang pasaporte sa bansa.
Idinagdag pa ni Abrahano na wala ring masabi na eskwelahan at wala rin umano siyang reservations o dormitories na kanyang tutuluyan.
Isang hot flight umano ang sinakyan ng suspect mula sa Addis Ababa Airport sa Ethiopia kaya minanmanan ito ng mga awtoridad sa bansa.
Ipinaliwanag ng PNP-AFC Group na hot flight ang tawag sa mga biyaheng tinututukan sa hinalang may drogang dala mula sa bansang pinagmulan nito.
Patuloy na inaalam kung konektado sa isang drug syndicate ang suspect, na hindi pa nagbibigay ng kaniyang pahayag.