TUGUEGARAO CITY- Pinamamadali ni Vice Mayor Meynard Carag ng Solana, Cagayan ang resulta ng swab test ng close contact ng isang Pinay na nagpositibo sa bagong variant ng covid-19 sa Hongkong.
Sinabi ni Carag na dinala kasi sa Maynila ang specimen ng 10 na nakuhanan ng swab para sa kaukulang pagsusuri.
Kaugnay nito, sinabi ni Carag na habang wala pa ang resulta ng swab test ng mga nasabing indibidual ay sinabihan na ang mga ito na mag-strict home quarantine.
Kasabay nito, nanawagan siya sa kanyang mga kababayan na huwag mangamba dahil sa naniniwala silang hindi nakuha ng nasabing Pinay ang virus sa Solana.
Ayon kay Carag, first time na nag-abroad ang nasabing babae at hindi rin umano umalis o lumabas ng Solana bago ang kanyang pag-alis patungong Hongkong.
Nabatid mula kay Carag na bago umalis ng Solana ang babae ay kumuha siya ng kanyang health declaration at travel documents noong December 15, 2020.
Sumakay umano siya sa isang pribadong sasakyan na nirentahan ng agency na nag-recruit sa kanya papuntang Maynila at pagdating doon ay isinailalim siya sa quarantine at swab test.
Nagnegatibo naman siya sa kanyang swab test ang batay na rin sa unang pahayag ng Department of Health.
Umalis siya ng December 22, 2020 patungong Hongkong kung saan ay muli siyang na-qurantine at kinuhanan ng swab test noong January 2, 2021 at lumabas ang positive result niya noong Januaary 4.
Samantala, sinabi ni Carag na 20 ang active cases ngayon ng covid-19 sa Solana.