Hanggang ngayon ay wala pa ring malay ang ang isang babae na nahulog mula sa Ferris wheel sa bayan ng Lal-lo, Cagayan kagabi, kasabay ng pagdiriwang ng kapistahan ng naturang bayan.
Kinilala ng Lal-lo Police Station ang biktima sa pangalang Precy, 18-anyos, at residente ng Brgy. Catugan, La-lo.
Sinabi ni PLT Gerardo Conde, Deputy Chief of Police ng Lal-lo Police Station, hanggang sa ngayon ay walang malay o ‘unconscious’ ang biktima dahil sa pagkakabagsak nito.
Batay sa imbestigasyon, nagpapasakay pa lamang noon ang mga operator ng mga rider at hindi pa tuluyang umaandar ang Ferris wheel.
Isa si Precy sa mga unang sumakay at nang marating ang taas na humigit-kumulang 10 talampakan ay bigla itong dumungaw at nahilo hanggang sa tuluyang nahulog.
Batay sa imbestigasyon ng PNP, bagama’t may arm bar ay walang seatbelt ang Ferris wheel.
Matapos ang insidente ay mabilis na ipinahinto ng mga awtoridad ang operasyon nito sa lugar.
Sa ngayon, sinabi ni PLT Conde na inoobserbahan pa rin sa Matilde A. Olivas District Hospital ang kalagayan ng biktima.
Kasalukuyan ngayon ang pagdiriwang ng kapistahan at Cabibi Festival ng La-lo, Cagayan.