
Pinakasalan kamakailan ng isang 37 anyos na babae sa Thailand ang dalawang lalaking Australian sa iisang seremonya sa Prakhon Chai district.
Ayon sa ulat, pinakasalan ni Duangduan Ketsaro ang dalawa niyang malalapit na kaibigan matapos na sumang-ayon ang tatlo sa kasunduan, kasunod ng maraming taon na relasyon nila sa babae.
Si Duangduan, isang dating singer-songwriter, ay unang nakilala si Roman, isang retired Australian police officer, limang taon ang nakalilipas.
Sumunod ay nakilala niya si Macky, isang kasalukuyang pulis sa Australia at malapit na kaibigan ni Roman.
Matapos na magkaroon ang babae ng relasyon sa dalawang lalaki, kung saan limang taon silang may relasyon ni Roman habang isang taon naman kay Macky, nagpasiya ang tatlo na gawing pormal ang kanilang pagsasama.
Si Duangduan ay may tatlong anak at dalawang apo mula sa kanyang naunang asawa.
Sa loob ng maraming taon, hindi siya tumigil sa pagtatrabaho para suportahan at alagaan ang kanyang mga magulang at mga anak.
Bago ang desisyon na magpakasal sa dalawang lalaki, kinausap muna niya ang kanyang mga anak at mga magulang.
Nagulat si Duangduan dahil sa pumayag ang mga ito.
Walang sawa din umano ang dalawang lalaki sa pagsuporta sa pamilya ni Duangduan.
Wala ring tutol ang dalawang lalaki na magbigay ng dowry na 1 million baht.










