Nauwi sa aksidente ang birthday celebration ng isang babae sa Vietnam, matapos na malapnos ang kanyang mukha nang sumabog ang mga lobo noong February 14.
Nasa restaurant si Giang Pham, 33-anyos sa Hanoi, Vietnam, at naghahanda para hipan ang kandila sa kanyang birthday cake nang masagi ng apoy mula sa kandila ang hawak niyang lobo na may hydrogen.
Sumabog ang nasabing lobo na lumikha ng apoy.
Nagsigawan ang mga bisita nang bitawan niya ang kanyang cake, at may usok pa sa kanyang ulo, ay naghanap siya ng tubig para hugasan ang kanyang mukha.
Dinala si Giang sa ospital, kung saan sinabi ng mga doktor na nagtamo siya ng first at second degree burns o nalapnos ang kanyang mukha.
Nagkaroon din ng lapnos sa talukap ng kanyang mga mata, subalit hindi naapektohan ang kanyang paningin.
Sinabi ni Giang na ilang araw bago siya naka-rocover sa trauma na idinulot ng nasabing pangyayari.
Ayon sa kanya, umiyak pa siya ng isang araw dahil sa nababahala siya sa pinsala na idinulot ng lapnos sa kanyang mukha.
Sinabi ni Giang na ayon sa mga doktor, hindi naman mag-iiwan ng peklat ang lapnos sa kanyang mukha, subalit aabutin ng ilang buwan bago bumalik ang totoong kulay ng kanyang balat.