TUGUEGARAO CITY-Selos ang nakikitang dahilan ng kapulisan sa nangyaring pamamaril sa Barangay San Vicente sa bayan ng Sta Ana, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Lara Mae Asuncion, 23-anyos, residente ng Brgy. Allasitan, Pamplona na pansamantalang nakatira sa bayan ng Sta Ana habang ang suspek ay si Arlene Tolentino ng Barangay San Vicente.

Ayon kay P/ Major Ronald Balod, hepe ng PNP-Sta Ana, kasalukuyang nakatambay sa gilid ng kalsada ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan nang biglang dumating ang suspek lulan ng kulong-kulong na minaneho naman ni Ailene Bartolay alyas “jingjing” ng Brgy. Rapuli.

Aniya, tatakutin lamang sana ng suspek ang biktima kung kaya’t nagwarning shot ito pero aksidenteng tinamaan ang biktima sa kanyang likod.

Una rito, nalaman umano ng suspek at ni Jingjing na sa tuwing nagpapaalam ang kanilang mga asawa na titingin ng baboy na bibilhin para sa kanilang negosyo ay nagtutungo rin ang mga ito sa grupo ng biktima para makipag-inuman.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil sa galit at selos, napagkasunduan ng suspek at ni Jingjing na takutin ang grupo ng biktima sa pamamagitan ng pagpapaputok ng baril, ngunit napuruhan ang biktima.

Agad tumakas ang dalawa pero kalaunan ay boluntaryo ring sumuko sa himpilan ng pulisya bitbit ang ginamit sa pamamaril na calibre 9mm na may isang bala.

Sa ngayon, nahaharap ang suspek sa kasong frustrated murder at R.A 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act habang nasa mabuti na ring kalagayan ang biktima.