Natagpuang wala nang buhay ang isang babaeng Brazilian na nahulog sa bangin habang nagha-hiking sa paligid ng Mount Rinjani, ang pangalawa sa pinakamataas na bulkan sa Indonesia, ayon sa pahayag ng pamahalaan ng Brazil nitong Martes.

Apat na araw ang ginugol sa operasyon ng paghahanap at pagsagip, ngunit nahirapan ang mga awtoridad dahil sa masamang panahon at delikadong kalagayan ng lugar.

Kinilala ang biktima na si Juliana Marins, 27 taong gulang, na nagha-hiking kasama ang lima niyang kaibigan nitong Sabado sa Mount Rinjani sa West Nusa Tenggara province nang madulas ito at mahulog sa bangin ng 3,726 metrong (12,224 talampakan) bulkan.

Ayon sa Indonesian authorities, hindi bumagsak si Marins sa bunganga ng bulkan kundi sa gilid ng bundok.

Ipinaliwanag ni Muhammad Hariyadi, pinuno ng local rescue team, na malambot ang buhangin sa lugar kaya’t naging mahirap ang retrieval gamit ang lubid.

-- ADVERTISEMENT --

Umabot sa 50 katao ang lumahok sa rescue operation.

Nauna nang natukoy ang lokasyon ni Marins noong Sabado, na nasa lalim na 150 metro mula sa bangin.

Ngunit sa kabila ng pagsisikap, lumalim pa ito sa 500 metro pagsapit ng Lunes.

Sa isang pahayag, sinabi ng Indonesian Forestry Minister na si Raja Juli Antoni na pansamantalang isasara ang hiking trail ng Mount Rinjani upang bigyang-daan ang mas ligtas na evacuation effort at bilang paggalang sa yumaong turista at kanyang pamilya.