![](https://img.bomboradyo.com/tuguegarao/2022/04/278579020_952147998793828_2635380052639584882_n.jpg)
TUGUEGARAO CITY- Inamin umano ng suspect ang kanyang ginawang panggagahasa at pagpatay sa isang respiratory therapist at empleyado ng Cagayan Valley Medical Center o CVMC sa Tuguegarao City.
Sinabi ni PLt. Annazel Bosi ng PNP Tuguegarao, sa kanilang interogasyon kay Vilfred Carodan, 31 anyos, tubong Brgy. Smart, Gonzaga, Cagayan, nabighani at naakit umano siya sa biktima na si Ma. Jennifer Suzette OƱate, 27 anyos, tubong Palagao Norte, Gattaran at nangungupahan sa isang apartment sa Barangay Carig Sur, Tuguegarao dahil sa nakikita umano niya ito na naka-nighties sa tuwing pumupunta siya sa apartment kung saan nangungupahan din ang kanyang live-in partner na isa ring empleyado ng CVMC kaya niya nagawa ang krimen.
Pinasok umano ng supect ang kwarto ng biktima na nagkataon na hindi naka-lock noong gabi ng Sabado at dito isinagawa ang panghahalay at pagpatay sa biktima. Pagkatapos nito ay dinala ng suspect ang bangkay ng biktima sa stock room ng inuupahang kwarto ng kanyang live-in partner. Natagpuan ng mga pulis ang bangkay ng biktima sa ilalim ng kama na nakabalot ng kumot at nangangamoy na.
Nakuha rin sa kwarto ang isang luggage bag na naglalaman ng ilang gamit ng biktima kabilang na ang kanyang saplot na may bahid ng dugo.
Ibinalik din ng isang basurero ang iba pang gamit ng biktima na sinasabing nawawala na itinapon umano ng suspect sa bayan ng Iguig. Matatandaan na unang iniulat ng asawa ng biktima na nawawala ang kanyang misis matapos na hindi umuwi sa kanilang lugar sa Gattaran matapos ang kanilang pag-uusap noong gabi din ng Sabado, bago mangyari ang insidente.
Sinabi ni Lt. Bosi na agad na nagtungo sa lugar ang mga pulis at dito natagpuan ang kalunos-lunos na sinapit ng biktima at agad din na tinungo ang bayan ng Gonzaga kung saan nahuli ang suspect.
Ayon kay Bosi, sa pagsusuri sa bangkay ng biktima, siya ay namatay dahil sa pananakal. Sinampahan na rin aniya ng kasong rape with homicide ang suspect.