Viral sa social media ang isang 28-anyos na babae mula Malaysia matapos niyang ibahagi ang matinding pagbabago sa kanyang mukha habang siya ay buntis.

Si Farah Faizal, isang marketing manager, ay nag-post ng mga larawan kung saan makikita ang kanyang balat na namamaga, puno ng kulubot, at may mga nana, na tila mukha na umano ng isang matanda.

Ayon kay Farah, kahit ang mga skincare products na matagal na niyang ginagamit ay hindi na umepekto, at araw-araw ay may mga bagong nana at pamamaga sa kanyang mukha.

Sa kabila ng pisikal at emosyonal na hirap, sinabi ni Farah na malaki ang naitulong ng kanyang asawa sa kanyang pagbangon at pananatiling matatag.

Inilarawan niya ang kanyang asawa bilang kanyang tahanan at sandigan sa panahon ng matinding pag-aalala at depresyon.

-- ADVERTISEMENT --

Matapos manganak, unti-unti nang bumalik sa normal ang kanyang balat, at umaasa siyang tuluyang gagaling sa paglipas ng panahon.

Umani ng milyong views at reactions ang kanyang kwento online, ngunit hindi rin ito nakaligtas sa batikos.

May ilang nagsabing nagpapansin lamang siya at inaakusahan siyang nag-edit ng kanyang mga larawan.

Dahil dito, nagpasya si Farah na hindi na magbahagi ng karagdagang detalye tungkol sa kanyang kalagayan.

Aniya, nais lamang niyang ipakita ang mga posibleng matinding epekto ng pagbubuntis sa katawan at pag-iisip ng kababaihan.