Isang malaking dagok umano sa Communist Terrorist Group (CTG) ang pagkasawi ng isang mataas na lider ng New People’s Army (NPA) na si Myrna Sularte alyas Maria Malaya.

Si Sularte na kalihim ng Northeastern Mindanao Regional Committee, ay namatay sa engkwentro sa tropa ng pamahalaan sa Barangay Pianing, Butuan City noong February 12.

Sinabi ni National Security Adviser Eduardo Año, malaki ang naging papel ni Sularte sa rebeldeng grupo.

Ayon pa kay Año, ang pagkamatay ni Sularte ay isang “turning point” dahil magsisilbi itong paalala na walang lugar ang armadong pakikibaka sa isang demokratikong lipunan.

Sa tala, si Sularte ay biyuda ni Jorge Madlos alyas Ka Oris, ang isa sa matataas na lider ng NPA na napatay naman sa bakbakan sa lalawigan ng Bukidnon noong Oktubre 2021.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay 4th Infantry Division (ID) Commander Brig. Gen. Michelle Anayron Jr., rumesponde ang mga sundalo matapos makatanggap ng ulat sa presensya ng mga rebeldeng nangingikil sa mga komunidad na nauwi sa bakbakan ng magkabilang panig matapos na unang magpaulan ng bala ang mga kalaban.

Nabatid pa na si Sularte ay nahaharap rin sa sa­mu’t saring kasong kriminal kabilang na ang rebelyon, arson, robbery with double homicide, kidnapping, murder na dulot ng sari-saring uri ng paghahasik ng terorismo sa rehiyon.