Dumulog sa pulisya ang isang 17-anyos na ina matapos umanong tangayin ng isang babae na nagpakilalang umanong vlogger ang kaniyang pitong-buwang-gulang na sanggol sa Surigao City nitong Miyerkoles.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na nakilala ng biktima ang 59-anyos na suspek sa isang mall, habang kumakain ng tanghalian ang batang ina, at dala ang kaniyang sanggol na anak.

Sa salaysay pa ng biktima sa pulisya, nagpakilala umano ang suspek na vlogger at naghahanap ng matutulungan para ilibre ng mga pinamili.

Sinabihan umano siya ng suspek na siya ang ika-apat na napili.

Habang namimili, nag-alok umano ang suspek sa ginang na siya na ang magbubuhat sa sanggol para makapamili nang mabuti ang biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Pumayag naman ang biktima hanggang sa bigla nang nawala ang suspek, at dala ang kaniyang anak.

Kaagad na nagpatulong ang ginang sa mga security guard at mga pulis na nasa labas ng mall.

Sinuri din kaagad ang CCTV camera sa mall upang hanapin ang suspek at posibleng dinaanan nito.

Sa kabutihang palad, naharang ng mga awtoridad ang suspek sa Macagal Port, na plano umanong bumiyahe sa Siargao Islands.

Napag-alaman na residente ng Tagana-an sa Surigal del Norte ang suspek, at nabawi sa kaniya ang sanggol na dinala sa Women and Children Protection Desk (WCPD) para maibalik sa kaniyang ina.