Ligtas na sa kapahamakan ang isang babaeng pasahero na nahulog mula sa carrier ng sinasakyang overloaded na jeep sa Tuguegarao City.
Kinilala ang biktima na si Remedio De Luna, 20 anyos at residente ng Barangay Adaoag, Baggao.
Una rito, sinabi ni Police Lt. Col. George Cablarda ng PNP Tuguegarao na bumangga ang jeep na minamaneho ni Reymund Costalles nang lumiko ang sinusundang mini-dumptruck sa may bahagi ng Barangay Libag.
Dahil sa impact ng pagkakabangga at inaantok ay nawalan ng panimbang ang biktima at nahulog mula sa taas ng jeep na nagtamo ng sugat sa ulo na nagpapagaling na sa pagamutan.
Nabatid na pauwi na sa bayan ng Baggao mula sa dinaluhang kasal sa Isabela ang mga pasahero ng jeep nang maaksidente.
Sinabi pa ni Cablarda na mahigit dalawampu ang pasahero ng jeep kung saan sampu rito ang nasa top load.
Sinabi ni Cablarda na aakuin ng driver ng jeep ang gastusin sa ospital ng biktima maging ang pagsasaayos sa nabanggang sasakyan.