Tatanggap ng Medalya ng Sugatang Magiting ang babaeng pulis na sinaktan ni Honeylet Avanceña habang inaaresto ang kanyang partner na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Sinabi ni CIDG chief Police Major General Nicolas Torre III, bibigyan din ng tatlong araw na bakasyon ang nasabing pulis.

Ang Medalya ng Sugatang Magiting ay ibinibigay sa mga pulis na nasusugatan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin laban sa kalaban bilang direktang resulta ng ginawa ng kalaban.

Ang medalya ay bilog na pilak na may pigura ni Lapu-lapu sa gitna.

Kaugnay nito, sinabi ni Torre na wala siyang plano na magsampa ng kaso laban sa kampo ni Duterte dahil sa umano’y pag-atake at obstruction of justice sa implementasyon ng arrest warrant.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na magkakaroon sila ng pag-uusap sa nasabing pulis na pinukpok sa ulo ni Avanceña matapos na nagpahayag siya ng plano na magsampa ng reklamong direct assault.

Ayon naman kay Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, aalamin nila sa nasabing pulis kung itutuloy niya ang reklamo.

Una rito, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo kahapon na pinukpok ni Avanceña ng cellphone ang babaeng pulis, kung saan nagtamo siya ng bukol sa ulo.

Sinabi ni Fajardo, tumutulong ang nasabing pulis sa pagpapaalis sa mga tao na humaharang sa daanan na papunta kay Duterte na inaresto ng Interpol noong Martes.