Paparangalan ang isang babaeng pulis ng Camalaniugan Municipal Police Station sa Lunes sa headquarters ng Police Regional Office 2, na sumagip sa isang bagong panganak na sanggol na babae na iniwan sa palikuran ng isang gasolinahan sa Barangay Bulala, Camalaniugan, Cagayan noong Pebrero 17.

Sinabi ni PMaj Ranilo Bumagat, hepe ng PNP Camalaniugan, ang pagkilala kay PMSg Eileen Malazzab ay matapos na makarating sa kaalaman ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil ang ginawa ng pulis sa sanggol.

Aniya, ito rin ay bahagi ng pagdiriwang sa National Women’s Month.

Sa kanyang pahayag, pinuri ni Marbil ang kagitingan at malasakit na ipinamalas ni Malazzab sa pagsagip sa sanggol na nadatnan sa palikuran na walang saplot at malay na mabilis na humingi ng tulong medikal bago dinala sa ospital.

Sinabi ni Bumagat, sa ngayon ay nasa maayos na kalagayan ang sanggol sa pangangalaga ng Regional Haven ng Department of Social Welfare and Development (DWSD) Region 2 sa bayan ng Solana.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi ni Bumagat na may lead na sila kung sino ang nag-iwan sa sanggol, bagamat patuloy ang ginagawang pagsusuri sa kuha na CCTV footage upang malaman ang plate number ng ginamit na kolong-kolong ng mga suspek.