Nasawi ang isang babaeng motorcycle rider matapos masemplang at magulungan ng pampasaherong jeep sa MacArthur Highway sa Caloocan City nitong Linggo ng umaga.
batay sa imbestigasyon, nawalan ng kontrol ang motorsiklo at bumagsak sa tabi ng umaandar na jeepney.
Sa kasamaang palad, napailalim ang rider at naipit ang kanyang ulo sa gulong ng sasakyan.
Agad rumesponde ang jeepney driver at ginamit ang jack upang maiangat ang jeep, pero hindi na naisalba ang buhay ng biktima na idineklarang dead on arrival sa ospital.
Ayon sa mga awtoridad, galing sa isang road trip ang biktima at pauwi na sana sa Marilao, Bulacan.
Base sa imbestigasyon, posibleng nakatulog o sobrang pagod ang babae kaya nawalan siya ng kontrol sa kanyang motorsiklo.
Bagamat giit ng jeepney driver na hindi niya nasagi ang biktima, tumumba raw ito sa mismong tabi ng kanyang sasakyan, dahilan para magulungan ang ulo nito ng kaliwang gulong ng jeep.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Caloocan Police ang driver ng jeep habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Tumanggi muna itong magbigay ng pahayag.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga otoridad ang mga motorista na magpahinga at tiyaking nasa maayos na kondisyon bago bumiyahe upang makaiwas sa ganitong trahedya.