Patay ang isang babaeng motorcycle rider matapos tamaan ng kumalas na dalawang gulong ng trailer truck sa kahabaan ng Barangay Libag Sur, Tuguegarao City, kaninang umaga.
Kinilala ang biktima na si Julie Pearl Vigo, 33-anyos, negosyante, tubong Capiz province at pansamantalanag nakatira sa Barangay Dadda.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, kapwa binabaybay ng dalawa ang kahabaan ng Barangay Libag Sur patungong Isabela nang sinubukang mag-overtake ng motorsiklo sa trailer truck na minamaneho ni Henry Paraggua, 52-anyos, residente sa San Jose, San Pablo, Isabela.
Habang nasa proseso, natanggal ang dalawang gulong sa likurang bahagi ng umaandar na trailer truck kung saan aksidenteng tumama sa biktima.
Dito na nawalan ng kontrol sa manibela ang biktima at napunta sa kabilang linya ng lansangan kung saan muling tinamaan ng kumalas na gulong bago tuluyang natumba.
Nadala pa sa pagamutan ang biktima subalit idineklarang dead on arrival ng umasikasong duktor.
Inihahanda na ng mga otoridad ang kasong reckless imprudence resulting in homicide and damaged to property laban sa suspek na hawak na ng pulisya.