Labis ang kasiyahan ngayon ni Karyl Joyce Guiawan Dawadao ng Kalinga, matapos makapasa at magtala ng mataas na marka sa katatapos lamang na February 2025 Respiratory Therapist Licensure Examination.
Hindi lang umano basta nakapasa dahil siya rin ay napabilang pa sa mga topnotchers, kung saan nakuha niya ang Rank 7 at may average na 91.25%.
Ayon kay Dawadao, hindi niya inakalang magiging bahagi siya ng mga topnotchers, kaya’t hindi niya napigilang maluha sa labis na tuwa at pasasalamat.
Ibinahagi rin ni Dawadao na ang kanyang pananampalataya at patuloy na pagdadasal ang naging sandigan niya sa buong proseso ng paghahanda para sa pagsusulit.
Isa aniya sa pinakamalaking pagsubok na hinarap ni Karyl ay ang pagkawala ng kanyang yumaong pinsan.
Ayon sa kanya, hindi siya nakauwi sa kanilang bayan sa Kalinga dahil kailangan niyang manatili sa Maynila para mag-focus sa kanyang review. Sa kabila ng matinding kalungkutan, hindi ito naging hadlang sa kanyang tagumpay.
Simula pa noong high school, pangarap na ni Dawadao ang maging isang health worker. Isang malaking inspirasyon sa kanya ang kanyang mga magulang, na patuloy na nagbigay sa kanya ng lakas at motibasyon upang makamtan ang kanyang mga pangarap.
Sa ngayon, matapos ang tagumpay, plano ni Dawadao na agad magtrabaho sa isang ospital upang magamit ang kanyang kaalaman sa pagtulong sa mga pasyente. Ngunit bago magsimula, magpapahinga muna siya sandali upang mag-recharge at maghanda para sa susunod na hakbang ng kanyang karera.