Huli sa akto ang isang hog dealer sa pagkatay ng isang baboy na kanyang ninakaw sa slaughter house na nakatakda sanang katayin kinabukasan sa bayan ng Amulung.
Kinilala ang suspek na si alyas Cris, 26-anyos at residente sa Brgy. Estafania sa naturang bayan.
Ayon kay Police Senior Master Sgt. Teotimo Pagulayan, dakong alas 6:00 nang gabi nang iniwan ang baboy nang walang bantay sa slaughter house sa Brgy. Centro na pagmamay-ari ni Fortunato Borja Jr. ng Brgy. Monte Alegre.
Subalit nang balikan na ito kinabukasan ay nadiskubre ng anak ng biktima na si John Lloyd na nawawala na ito kung kaya agad nitong tinungo ang palengke ng Brgy Annafatan, Amulung West hanggang sa may nakapagsabi na may ibinebentang baboy ang suspek na nasa bahay ng kanyang biyenan sa Brgy Logung.
Dito ay naaktuhan na kinakatay na ang naturang baboy na nakilala ng anak ng biktima dahil sa markings nito kung saan ay pinigilan pa nito ang suspek subalit ipinagpilitan nito na nabili niya ang baboy sa bayan ng Sta Ana.
Agad namang itinawag ni John Lloyd sa kanyang ama ang naturang pangyayari na siya namang nagpatulong sa pulisya kasama ang meat inspector.
Sa pagresponde ng pulisya ay nakasalubong nila ang suspek sa Brgy Tana na lulan ng kolong-kolong at may kargang isang timba na may lamang mga karne ng baboy.
Nakapagbenta pa umano ang suspek ng mga karne nito kung saan 32 kilos ang narekober mula sa 77 kilos na baboy na nagkakahalaga ng P15,400.
Umamin lamang umano ang suspek sa ginawa nitong pagnanakaw nang ito ay makasuhan ng theft na pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa ng halagang P6K.