TUGUEGARAO CITY-Dead-on-arrival sa pagamutan ang isang backhoe operator makaraang maipit ng backhoe na nakasakay sa isang 10 wheeler truck sa bayan ng Baggao, Cagayan.

Kinilala ang nasawi na si Donel Cadaba, 31-anyos, residente ng Brgy. Taquing, Baggao.

Ayon kay PCAPT Jackelyn Urian, deputy chief of police ng PNP Baggao, galing Poblacion at patungong Brgy. San Jose para sa isang proyekto ang truck na minaneho ni Neil Abarientos, nasa tamang edad ng Brgy. Caruppian.

Sa imbestigasyon ng pulisya, biglang nagpreno ang truck dahil umano sa kawad ng kuryente kung saan ay naipit ang biktima nang umabante ang backhoe na karga nito na nagresulta sa agarang pagkamatay ng biktima.

Ayon kay Urian, walang stopper ang backhoe kaya ito gumalaw kaya natamaan ng blade nito ang biktima na noon ay nakahiga sa truck.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay hawak na ng pulisya ang driver ng truck para sa posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso.