TUGUEGARAO CITY-Ipinagbabawal pa rin ang backriding sa motorsiklo sa lungsod ng Tuguegarao kahit isinailalim na sa Modified General community quarantine (MGCQ) ang lungsod bilang pag-iingat sa coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Mayor Jefferson Soriano ng Tuguegarao City, hintayin lamang ang kumpirmasyon ng Inter-Agency task force (IATF)national at sa ibababang guidelines bago payagang muli ang backriding.
Pinag -aaralan na rin umano pamahalaang panlungsod ng Tuguegarao ang 50 percent na bibyaheng tricycle ngunit mananatili na isa lamang ang pasahero.
Kasunod nito, bukas na ang lahat ng mga establishimento sa lungsod maging ang cinemas, concert at iba pang gatherings ngunit 50 percent capacity lamang.
Hindi pa rin pinapayagan ang 21-anyos pababa ay 60-anyos pataas na lumabas sa kanilang tahanan maliban na lamang kung may mga importanteng gagawin.
Muli namang ipinaalala ng alkalde na sumunod sa mga naibabang health measures para makaiwas sa virus tulad ng pagsusuot ng face mask , pag-oobserba sa social distancing at ang palagiang paghuhugas ng kamay.
Nagbigay naman ng sulat ang lungsod ng Tuguegarao sa lalawigan ng Nueva Vizcaya at Isabela na humihingi ng pahintulot na dapat bigyan ng travel pass at medical certificate ang kanilang mga residente na nagtutungo sa lungsod.
Aniya, may mga residente umano kasing umuuwi sa Tuguegarao na ayaw sumailalim sa quarantine kung kaya’t kanilang sinasabi na sila’y galing sa mga kalapit na probinsiya kung saan hindi na kailangan ang quarantine.
Paliwanag ni Soriano na kailangang gawin ang naturang hakbang para mapanatili ang kawalan ng confirmed cases ng covid-19 sa lungsod at para hindi masayang ang ginagawang hakbang ng mga opisyal laban sa covid-19.