Naantala ng halos dalawang oras ang flight ng isang eroplano sa Bacolod papuntang Manila sa Bacolod-Silay airport noong Sabado ng umaga dahil sa maling interpretasyon sa pag-uusap ng dalawang miyembro ng LGBT sa loob ng eroplano.

Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesman Eric Apolonio, ang insidente ay sa pag-uusap ng dalawang lalaki.

Habang nag-uusap ang dalawa, tinanong ng isa ang kasama kung naubos na ang kanyang “watusi,” na ang ibig sabihin nito sa LGBTQ community language ay condom.

Ang watusi din kasi ay tawag sa isang paputok sa bansa.

Narinig naman ng cabin crew member ang pag-uusap ng dalawa habang siya ay nag-aayos ng mga bagahe.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil nabahala siya sa inakala niya ay paputok, nilapitan niya ang pasahero para linawin ang ibig sabihin ng “watusi.”

Ipinaliwanag naman ng pasahero sa cabin crew member na ang tinutukoy niyang watusi ay condom at humingi ng paumanhin dahil sa hindi pala dapat ang kaniyang sinabi sa loob ng eroplano.

Bilang pag-iingat, nagpasiya ang eroplano na palabasin muna ang lahat ng pasahero at cargo, kung saan nagkaroon ng inspeksiyon ang K9 at security paneling.

Matapos na matiyak na ligtas ang eroplano ay lumipad din ito papuntang Manila.

Inilipat naman sa ibang flight ang dalawang lalaki na sangkot sa nasabing insidente.