TUGUEGARAO CITY- Umabot sa mahigit sa 4,000 ang nakiisa sa “Baggao, Cagayan Billion Tree Planting and Growing Project” kahapon sa San Francisco.
Kaugnay nito, nagpasalamat sina Mayor Joan Dunuan at Vice Mayor Rowel Gazmen at iba pang opisyal ng Baggao sa lahat ng mga dumalo sa nasabing aktibidad.
Sinabi ni Dunuan na magkakaroon ng regular monitoring sa mga itinanim na mga iba’t ibang uri ng puno upang matiyak na ma-sustain ang nasabing proyekto.
Ayon sa kanya, kung sakali man na may mamamatay sa mga itinanim ay aatasan ang nagtanim sa mga ito na muling magtanim.
Sinabi ni Dunuan na layon ng nasabing proyekto na maisalba ang nakakalbo nang kabundukan ng Baggao.
Sinabi naman ni Gazmen na may mga magbabantay sa mga nasabing pananim at nakipag-ugnayan na rin sila sa mga residente sa lugar para maging katuwang sa pagbabantay.
Kaugnay nito, sinabi ni Gazmen na plano nilang magkaroon ng memorandum of agreement sa Department of Environment and Natural Resoources para sa tuloy-tuloy na tree planting sa kanilang bayan.